KABABAYAN
Lahat ng mga natulungan at naipagtanggol ko na mga kababayan ay nagkakaisa sa kanilang pasasalamat at tuwa na ako ay nakilala nila. Dahil tayo ay nagmula sa iisang bansa at nagkakaisa sa mga adhikain, madali tayong magkaintindihan at magkapaligayang-loob.
Ako ay dumaan din sa iba’t-ibang pagsubok sa buhay. Hindi ko kailanman makakalimutan na ang aking mga naranasan ang nagbigay sa akin ng matatag na kalooban at malawak na pang-unawa sa anumang uri ng problema na bumabagabag sa inyo ngayon.
Ipinanganak ako sa Pilipinas at lumipat dito sa Amerika noon ako ay 18 na taong gulang. Dito sa Amerika ako nagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo at unibersidad.
Sa tulong ng Diyos, dalawang beses kong nakamtan ang parangal na Summa Cum Laude sa aking pag-aaral sa kolehiyo at unibersidad.
Ang aking mga magulang ay tubo ng Nueva Ecija at Ilocos Norte. Ako naman ay ipinanganak at lumaki sa Davao City, sa Mindanao. Nagpapasalamat ako na ganito ang pinanggalingan ko dahil ito ang nagbigay sa akin ng sapat na kakayahan na magsalita ng Tagalog, Ilokano, at Bisaya. Sinumang Pilipino ay malayang magpahayag ng kanilang mga suliranin. Makakaasa kayo na gagawin ko ang lahat para magkaintindihan at magtulungan tayo sa paggawa ng mga hakbang patungo sa pagkalutas ng inyong mga problema. Ipagtatanggol ko kayo para mapasainyo ang mga karapatan na dapat maging inyo.
KAIBIGAN
Taos-puso kong iniaalok sa inyo ang aking tulong. Alam ko kung ano ang nararamdaman ninyo na pag-aalala at pagkalito. Handa akong umunawa at kumilos para sa inyong kapakanan. Tayo ay mag-uusap sa wika na pinakamadali para sa inyo.
MAPAGKATIWALAAN
Masinsinan kong pinag-aaralan ang lahat ng kaso ko. Bawa’t problema ay pinag-uukulan ko ng sapat na panahon at pananaliksik para walang dahilan na hindi natin makamtan ang ating inaasam na tagumpay. Umaasa ako na tayo ay magtutulungan at manatiling tapat sa isa’t-isa sa bawa’t hakbang na gagawin natin sa pagharap sa problema.
Bilang inyong abogado, gagawin ko ang aking makakaya upang magtagumpay ang inyong kaso. Malinis ang aking pangalan sa Washington State Bar Association, American Bar Association, American Immigration Lawyers Association, at sa U.S. Department of Homeland Security. At higit sa lahat, malinis ang aking pangalan bilang kababayan ng mga Pilipino sa Amerika.
Mapagkakatiwalaan mo ako, Kabayan.
Mapagtalkannak, Kailian.